Patay ang isang ama matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay sa Bulacan, at sa harap ng kaniyang mag-ina.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Marvin Mendoza, residente ng San Jose del Monte, Bulacan.
Itinuturo na may gawa ng krimen ang kaniyang kapitbahay na si Alexander Gumapac.

Kuwento ni Carmela Gugulan, kinakasama ni Mendoza, kakain sila noon kasama ang limang-taon-gulang nilang anak nang biglang dumating sa kanilang bahay si Gumapac, at pinagbabaril sila.

Patay ang padre de pamilya dahil sa tama ng bala sa ulo, habang nakaligtas ang mag-ina.

“Nakailag po ako, ‘yung anak ko po talagang inano ko agad.. niyakap ko po agad kasi babalikan kami eh... nung sumigaw na po ako umalis na po siya. Nakita ko si Marvin may ano na pala…may tama,” ayon kay Gugulan.

Naniniwala ang pamilya ng biktima na away sa lupa ang ugat ng krimen. Dati na raw kasing gustong sakupin ng suspek ang lupa ng biktima.

Unti-unti umanong nagtatayo si Gumapac ng babuyan ang iba pang kulungan ng hayop. Sinunog din daw ng suspek ang sagingan ng biktima.

Ang naturang mga insidente ang dahilan kaya humantong na sila sa barangay.


“Tinanong po namin sa kaniya kung ano dokumento niya na magpapatunay na siya yung may-ari. Ang pinakita niya sa amin ay isang tax declaration nakalagay dito na residential yung area samantalang agriculture ang pagkakaalam ko doon,” paliwanag ni Ligaya Mendoza Reyes, tiyahin ng biktima.

Inihayag pa ni Gugulan na sinabihan umano noon ng suspek ang kaniyang asawa habang nasa barangay sila na, "Bente mil ka lang ‘to… 'Di ka uubra sa'kin.”

“Abot langit yung sakit... sa harapan po namin ginawa… sa loob pa po ng bahay namin. Napakabait po ng taong pinatay nila,” umiiyak niyang pahayag.


Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ni Gumapac. Samantala tumanggi na ang barangay na magsalita at ipinauubaya na sa pulisya ang imbestigasyon sa kaso. —FRJ, GMA News