Couple goals kung maituturing ang achievement ng isang magkasintahan na bukod sa parehong nakapagtapos bilang magna cum laude sa Leyte Normal University, pareho rin silang pasok sa Top 10 ng Licensure Examination for Teachers (LET).
Taong 2019 nang makuha ni Jonel Gallaza ang ikawalong pwesto sa LET. Ang kaniya namang nobyang si Jhane Eyre Marie Olmedo, nakuha ang ikatlong pwesto sa LET sa katatapos lang na January 2022 LET.
Tears of joy aniya ang naranasan ni Jhane nang makita ang pangalan niya sa listahan ng mga pumasa, dahil hindi niya inaasahan na makakapasok siya sa top 10 ng exam.
Ayon pa kay Jhane, naranasan pa niya ang face-to-face review pero lumipat sila sa online nang magkapandemya.
Sinabi ni Jhane na hindi biro ang paghahanda niya sa examination dahil kailangan ng mas mahabang pasensya at focus sa pag-review.
Sa kasalukuyan, plano nina Jonel at Jhane na tapusin ang kanilang master's degree para makapagturo rin sa kolehiyo.
Nakapagtapos si Jhane ng kursong Bachelor of Science in Education, Major in Biological Science samantalang natapos ni Jonel ay Bachelor of Science in Education, Major in Mathematics. — Jamil Santos/VBL, GMA News