Lima katao ang nasawi, kabilang ang isang pulis, sa nangyaring engkuwentro sa tatlong lalaki sa labas ng isang sabungan sa Calatagan, Batangas. Dalawang sibilyan din ang nadamay at isa sa kanila ang namatay.
Sa impormasyon mula sa Philippine National Police nitong Lunes, kinilala ang nasawing pulis na si Patrolman Gregorio Panganiban, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib.
Ayon sa pulisya, Sabado nang makatanggap ng tawag ang Calatagan-PNP tungkol sa mga suspek na kahina-hinala umano ang kilos.
Nang puntahan ng mga pulis ang lugar, agad umanong nagpaputok ang mga suspek na dahilan ng pagkamatay ni Panganiban.
Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad at napatay ang mga suspek na nakilala kinalaunan na sina Joel Herjas, Rolly Herjas, at Gabriel Bahia.
Nadamay naman at tinamaan ng ligaw na bala ang mga sibilyan na sina Mayumi Dunaway, 19, teller sa sabungan, at si Joselito Carlum, 45, construction worker.
Dinala sa ospital ang dalawa at kinalaunan ay pumanaw na rin si Dunaway.
Ayon sa pulisya, target umano ng mga suspek si Lian town councilor Michael, na administrador din ng sabungan.
“We express our deepest condolences to the family of Patrolman Panganiban who died while bravely fulfilling his duty. A thorough investigation is underway regarding this case,” ayon kay PNP chief General Dionardo Carlos.
“A deeper probe will also determine if this incident has anything to do with the series of reported cases regarding the missing cockfighting enthusiasts. But first, we have to find out the real motive of the suspects why they are targeting the cockpit’s administrator,” patuloy niya.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang pulisya sa nasawing sibilyan. — FRJ, GMA News