Nasawi ang tatlong batang magpipinsan nang malunod sila sa isang ilog sa Balatan, Camarines Sur. Ang mga magulang ng mga biktima, hindi matanggap ang sinapit ng kanilang mga anak.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa isang ilog sa Barangay Luluasan sa nasabing bayan ng Balatan.
Kuwento ni Lola Lorna Andaya, inaya ng isang apat na taong gulang bata ang kaniyang tatlong pinsan na edad tatlo at apat.
Pero kinalaunan, ang nag-ayang bata na lang umuwi at hindi niya kasama ang tatlong pinsan na kasama.
Hindi pa raw kaagad nakasagot ang bata nang tanungin kung nasaan ang tatlo niyang pinsan. Pero nang may isang kaanak na muling nagtanong kung nasaan ang tatlo niyang kasama sa ilog, doon na siya nagsabi na nalunod ang mga ito.
Dali-daling nagtungo ang mga tao sa ilog pero hindi na nila naisalba pa ang buhay ng tatlo.
Umasa ang mga magulang ng mga bata na mabubuhay pa ang kanilang mga anak kaya hindi nila kaagad dinala sa punerarya ang mga biktima.
Pinag-aaralan ngayon ng barangay na magpasa ng ordinansa para ipagbawal ang paliligo ng mga bata sa ilog para maiwasan ang katulad na trahediya. --FRJ, GMA News