Nadagdagan pa ang mga nasawi sa malagim na aksidente sa Lubao, Pampanga noong Linggo matapos araruhin ng isang minibus ang ilang sasakyan at mga taong nasa waiting shed.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing isa sa mga nasugatang pasahero ng minibus ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa trahediya.
Samantalang sumailalim na sa operasyon ang driver ng bus pero hindi pa rin siya nakakausap ng pulisya dahil sa kaniyang kalagayan.
Ayon sa pulisya, mahalaga na makuha ang testimonya ng driver para malaman ang ugat ng akisdente.
"Hindi natin masabi [kung mechanical error] kasi durog ang yung harap [ng bus] as in durog na durog. Mapapansin niyo naman. Ang talagang makukuha natin diyan base na lang sa testimonya ng driver natin. Kasi sa mga witnesses natin wala silang masabi kung anong nangyari talaga doon sa sasakyan.... tumutulong na rin naman ang HPG (Highway Patrol Group) sa pag-iimbestiga," sabi ni Police Lieutenant Colonel Julius Javier, hepe ng Lubao Police Station.
Kasama sa mga nasawi ang konduktor ng bus.
Inaayos na rin umano ang mga papeles para maisampa ang reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries and damage to properties laban sa driver.
Nakipag-ugnayan na umano ang operator ng bus sa pulisya at mga kaanak ng mga biktima.
Nangako umano ito na tutulong sa mga biktima ng insidente.-- FRJ, GMA News