Isang construction worker ang hiningan umano ng pera ng isang miyembro ng LGBT community kapalit ng hindi pagpapakalat ng maseselan niyang larawan at video sa San Juan, Ilocos Sur. Ang suspek, lumitaw na kamag-anak pala ng biktima.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing sa text messages nakilala at niligawan ng biktimang si "Jestoni," hindi niya tunay na pangalan, ang suspek na si "Samantha," hindi rin tunay na pangalan.

Nagpakilalang residente ng ibang bayan ang 19-anoys na suspek, at sinabing namamasukan bilang kasambahay.

Ayon sa awtoridad, nang magkapalagayan ng loob ay nagpalitan na ng maseselang larawan ang dalawa.

Nang magpadala si Jestoni ng maselang video, doon na umano siya kinontak ng galit na nagpakilalang nobyo ng suspek.

Nagbanta raw ang "nobyo" ng suspek kay Jestoni na ikakalat ang kaniyang maseselang larawan at video. Pero buburahin daw ang mga ito kung magbibigay siya ng P7,000.

Ngunit matapos nito, humingi raw ulit ang suspek ng P5,000. At kinabukasan ay humingi pa raw muli ang suspek ng P20,000.

Dito na humingi ng tulong ang biktima sa mga awotridad at naaresto ang suspek sa entrapment operation.

Natuklasan din ng biktima na kamag-anak pala niya ang suspek. Gayunman, desidido si Jestoni na idemanda si Samantha.--FRJ, GMA News