Ilang araw bago ang Pasko, isang pamilya sa San Carlos City, Negros Occidental ang nasunugan ng bahay at masawi pa ang tatlo nilang batang kaanak.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang malagim na trahediya sa Sitio Trozo, Barangay Bulwangan.

Nakulong sa nasusunog nilang bahay ang magkapatid na edad siyam at anim, pati na ang kanilang pinsan na tatlong-taong-gulang.

Sugatan naman at nagtamo ng second degree burn ang lola ng mga bata.

Ayon sa mga awtoridad, umalis sandali ang ina ng mga bata nang mangyari ang trahediya para magpa-load ng cellphone.

Wala raw kuryente sa lugar nang sandaling iyon dahil sa epekto ng nagdaang bagyong "Odette."

Inaalam ng mga awtoridad kung ang gamit na gasera sa bahay ng mga biktima ang pinagmulan ng sunog.

Bukod sa bahay ng mga biktima, 11 bahay pa ang nadamay sa sunog. --FRJ, GMA News