Naging maparaan ang isang ina nang isakay niya sa batya ang bagong silang niyang sanggol para mailikas ito sa hanggang dibdib na baha sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Odette sa Agusan del Norte.
Ayon kay Honeybee Tangog, na isinilang si Baby Stella noong Disyembre 17, dati nang nakapuwesto ang kanilang bahay kung saan may malapit na tubig.
"Sobrang natatakot ako dahil kami lang ang nasa bahay namin, pati 'yung biyenan ko," sabi ni Honeybee sa panayam sa kaniya ng Unang Hirit nitong Miyerkules.
Dahil tumataas na ang tubig, nagpasya si Honeybee na isakay na sa batya o palanggana si Baby Stella.
"Kasi walang ibang malagyan niya dahil palanggana lang 'yung nakita namin," ani Honeybee.
Sinabi ni Honeybee na kumpara sa ibang bagyo, ngayon lamang talaga tumaas ang tubig sa kanilang lugar noong kasagsagan ng Bagyong Odette.
"Sa higaan namin, parang hindi kami makahiga dahil sobrang taas ng tubig," sabi ni Honeybee.
Nasa mabuting kalagayan na si Baby Stella at hindi naman naapektuhan sa pagsakay nito sa batya.
Nagpasalamat din si Honeybee sa tulong ng kanilang kapitan para mailikas ang kanilang pamilya.
Nanawagan si Honeybee ng mga damit para sa kaniyang sanggol dahil lahat ng ito ay natangay na ng tubig. — Jamil Santos/VBL, GMA News