Isang bagong silang na sanggol na inilagay sa supot at iniwan sa ilalim ng puno na malapit sa basurahan ang nailigtas matapos madinig ng isang babae na naligaw ng daan ang kaniyang iyak sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing tanghali nitong Sabado nang makita ang sanggol na lalaki sa Barangay Casili sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Ayon kay Judeth Balmaceda, patungo sana sila sa outing nang maligaw sila ng daan ng kaniyang at may nadinig siyang iyak ng sanggol.
"Nung umalis kami, ayaw ko sana talaga siyang iwan kasi nga nasa kaloob-looban ko na bata iyon [nadinig ko]," kuwento ni Judeth.
Dahil naniniwala siyang sanggol ang kaniyang nadinig, bumalik sila sa lugar kasama ang magulang at hinanap nila ang iyak.
Hanggang sa mapansin na ang supot na kinalalagyan ng sanggol na dali-dali nilang binuksan at nangingitim na ang labi ng bata.
Umiiyak daw ang sanggol at dinala na nila sa pagamutan.
Ligtas na ang sanggol at patuloy na inoobserbahan sa ospital.
Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy kung sino ang nag-iwan sa sanggol.
Maghahanap ng CCTV ang pulisya na malapit sa lugar kung saan nakita ang sanggol sa pag-asang may nakuhanan ng video na posibleng may hawak ng katulad na supot na pinaglagyan sa bata.--FRJ, GMA News