Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 23-anyos na ina sa Purok 1, Poblacion, Sta. Elena, Camarines Norte matapos itong pagtatagain sa loob ng sarili niyang pamamahay.
Nadiskubre ang bangkay ni Anna Carmella Soterio na naliligo sa sarili niyang dugo noong Martes ng umaga.
Putol ang kamay, halos humiwalay na ang ulo sa katawan dahil sa pananaga na sinapit ng biktima.
Ayon sa magulang ng biktima na tumangging humarap sa camera, gigisingin sana niya noong Martes ng umaga ang anak na si Anna Carmella upang samahan ito sa bayan para bumili ng construction materials.
Dahil hindi sumasagot ang anak ay nagpasiya silang pasukin na ito sa bahay. Doon na tumambad ang wala ng buhay na biktima. Katabi nito ang 4-anyos na anak na babae nahihimbing sa pagtulog.
Dali-dali nilang kinuha ang bata at sinuri kung may taga din ito. Maswerteng hindi ito nadamay.
Ayon sa Nanay ng biktima, wala naman umanong kaaway ang kanyang anak at hindi ito lumalabas ng bahay.
Dagdag niya, nawawala umano ang pitaka ng biktima na naglalaman ng higit P10,000. Hindi rin umano kinuha ang cellphone at appliances sa bahay ng biktima.
Makikita sa parteng likod ng bahay ang butas na dinaanan ng suspek. Pahayag ng nanay ng biktima, ang sa bahay ang asawa nang mangyari ang krimen. Nagta-trabaho ito sa Maynila.
Ayon kay Police Major Kim Lawrence Arenas, Hepe ng Sta. Elena Municipal Police Station, posibleng matagal nang minamanmanan ng suspek ang biktima. Posible din daw na kilala ng biktima ang suspek at may matinding galit ito para gawin ang karumal-dumal na krimen.
Dahil walang saplot pang ibaba ang biktima, posibleng ginahasa pa ito.
Dagdag pa ang mga awtoridad, halos magkakamag-anak ang mga residente ng purok na pinangyarihan ng krimen, kaya itinuturing na suspek ang mga lalaki sa naturang lugar sa ngayon.
Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —LBG, GMA News