Hinangaan ang isang taga-kolekta ng basura sa Urdaneta City, Pangasinan matapos niyang ibalik sa may-ari ang napulot niyang P191,000 na pera na naitapon sa basurahan. Ang lalaki, promotion ang natanggap na gantimpala.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA Regional TV Balitang Amianan sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang matapat na garbage collector na si Rene Corpuz.
Naghahakot ng basura si Corpuz noong Hunyo 5, 2021, nang magulat nang may kumalat na pera mula sa isang basurahang inilagay sa kanilang truck, na nasa kabuuang P191,000.
"Doon sa mga basura sa taas ng truck nakita ko na may P500 na nakakalat, doon kasi ako sa taas ng truck, ako ang taga-buhos ng basura," sabi ni Corpuz.
Pero ayon kay Corpuz, ayaw niyang kunin ang perang hindi niya pinagtrabahuhan, kaya agad niya itong isinuko sa Urdaneta City LGU.
Mabilis na naibalik sa may-ari ang kaniyang pera.
Bago nito, isang establisyimento, na tumangging mapangalanan, ang nagsagawa ng general cleaning nang aksidenteng naitapon ang pera na isinilid sa paper bag.
"Mayroong promotion of course. From contractual to casual, kaagad-agad, nabigyan siyang ganu'ng status na ngayon," sabi ni Emily Lucero, head ng Urdaneta City GSO tungkol kay Corpuz.
Labis na ipinagmamalaki ng kaniyang mga kaanak ang katapatan ni Corpuz. —LBG, GMA News