Patay ang isang lalaki na nag-amok matapos siyang mabaril ng SWAT Team na umaawat sa kaniya sa Santa Barbara, Iloilo. Ang lalaki, may problema umano sa pag-iisip at nagalit dahil may kumuha sa kaniyang saging.
Sa kuha ng GMA Regional TV One Western Visayas, na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing nangamba ang mga residente ng Brgy. Bagumbayan nang magwala ang lalaking may dalang kutsilyo at itak.
Kaya tumawag na ng pulisya ang kaniyang mga kapitbahay.
"Hinahanap niya ang kaibigan niyang si Simo. Siya raw ang kumuha ng saging. Binigyan na raw niya ng puso, pero pati ang saging kinuha pa raw," sabi ni Rosebie Varona, kagawad ng Brgy. Bagumbayan.
Kalmadong kinausap ng mga awtoridad ang lalaki, at kinumbinsi pa nila ito na isuko sa kanila ang dala niyang mga patalim.
Gayunman, hindi nagpaawat ang lalaki kaya tumawag na ng SWAT team ang mga pulis.
Muling kinausap ng mga awtoridad ang lalaki, at sinubukan ng hepe ng mga pulis na lumapit, pero tinangka siyang tagain nito.
Matapos matumba ang hepe, pinaputukan na ng isang taga-SWAT ang lalaki.
Tinamaan ang lalaki sa kaniyang tagiliran.
Naisugod pa sa pagamutan ang lalaki pero nasawi kalaunan.
"Nakita niya siguro na weakest point dito sa side ko. Doon siya nag-attack sa akin at tinangka na tagain ako. Gusto sana natin na ma-disarm ang itak na hawak niya," sabi ni Major Raymond Celoso, hepe ng Santa Barbara MPS sa GMA Regional TV One Western Visayas.
Sinabi ng tatay ng lalaking nag-amok na may problema sa pag-iisip ang kaniyang anak, na halos tatlong linggo na umanong hindi nakakainom ng gamot pampakalma bago mangyari ang insidente.
Walang balak magsampa ng reklamo ng pamilya laban sa tauhan ng SWAT na bumaril sa lalaki.
"Ayaw na naming mag-file at magbigay ng problema sa pulis," sabi ni Mang Jacinto, na ama ng nasawi.--FRJ, GMA News