Patay na nang makuha sa balon na may lalim na 20 talampakan ang isang batang dalawang-taong-gulang sa Mariveles, Bataan. Ang kaniyang ama na tinangka siyang iligtas, malagay din sa peligro ang buhay.
Sa video ng GMA News Feed, lumitaw na hindi na ginagamit ang naturang balon na may tubig na hanggang apat na talampakan sa Barangay Alas-Asin.
Tanging lumang plywood lang ang nagsisilbing takip sa butas ng balon.
Posibleng nadaanan umano ng bata at nasira ang plywood nang sumunod sa kaniyang ama na papasok noon sa trabaho bilang construction worker.
Nang malaman ng ama ang nangyari, tinangka niyang bumaba sa balon para kunin ang anak pero nawalan siya ng malay matapos na mahirapang huminga sa loob.
Ayon sa taga-barangay, isang oras matapos ang insidente nang makarating sa kanilang kaalaman ang pagkakahulog ng bata sa balon.
Kaagad naman na kumilos ang iba pang residente at rescue unit ng barangay para iligtas ang mag-ama.
Una nilang nakuha ang ama na hinang-hina pero ligtas, habang naging pahirapan ang pagkuha sa bata sa ilalim na wala na umanong buhay.
Tumulong na rin sa pagkuha sa bata ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, mga bumbero at rescue team ng Freeport Area of Bataan.
Kaagad na dinala sa ospital ang bata nang makuha mula sa balon pero hindi na siya nailigtas.
Hindi pa malinaw kung sino ang dapat managot sa pangyayari. --FRJ, GMA News