Dead on the spot ang isang motorcycle rider at ang angkas nito matapos silang sumalpok sa kasalubong na boom truck sa municipal road sa Barangay Payapa, Tagkawayan, Quezon.
Nangyari ang aksidente pasado alas-nuwebe ng umaga miton araw ng Linggo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, patungo sana ang dalawa sa isang outing sa beach ng mangyari ang aksidente.
Kinilala ang mga nasawi na sina Noriel De Torres, 20-anyos (driver ng motorsiklo), at John Paul Anog, 18-anyos (angkas). Ang driver ng boom truck ay kinilalang si Virgilio Autida, 43-anyos.
Papuntang Barangay Mansilay ang truck nang makasalpukan nito ang motorsiklo sa pakurbang bahagi ng daan na itinuturing na accident-prone area.
Sa tindi ng salpukan, tumapon pa sa gilid ng highway ang dalawang biktima.
Agad na rumesponde ang mga rescuer ng MDRRMO-Tagkawayan upang tulungan ang mga naaksidente.
Nagtamo ang mga biktima ng matinding head injuries. Wala umanong suot na helmet ang mga biktima nang mangyari ang aksidente.
Nasa kustodiya na ng Tagkawayan Municipal Police Station ang driver ng boom truck, na hindi pa nagbigay ng pahayag.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property ang truck driver na si Autida. —LBG, GMA News