Naaresto na nang mga pulis sa San Jose del Monte City, Bulacan ang dalawang suspek sa pagpatay sa dalawang menor de edad noong nakaraang linggo.
Kinilala mismo ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang dalawa na sina Romeo Ruzon, 41, at ang stepson nitong isang 17-anyos.
Sa ulat ni Luisito Santos nitong Linggo sa "Dobol B TV", sinabing kapitbahay ng mga biktimang sina Jenny De Vera, 11-anyos, at Lou Anderson Icalla, 8-anyos ang mga suspek.
FLASH REPORT: Dalawang suspek sa pagpaslang sa dalawang menor de edad sa City of San Jose del Monte, Bulacan, naaresto na ng PNP, ayon kay PGEN Guillermo Lorenzo Eleazar. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/YO4YEgoYAL
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 16, 2021
Batay sa ulat ng mga pulis, sumuko ng mga suspek sa gitna ng hot-pursuit operation laban sa kanila.
Inimbitahan umano ang dalawa bilang mga "persons of interest" batay na rin sa mga narekober na mga ibidensya na nakuha sa crime scene.
Pero sa gitna ng imbestigasyon umamin umano ang dalawa sa krimen at boluntaryo umanong sumuko.
Kasama sa mga ebidensya na nakuha ng mga pulis ay mga goma na ginagamit ng mga suspek sa paggawa ng walis ting-ting na kanilang hanap-buhay.
Panggagahasa inamin
Inamin din ng mga suspek na ginahasa nila si Jenny bago nila ito pinatay.
Sa ngayon, hinihintay pa ng PNP ang resulta sa drug test sa dalawa upang malaman kung sila ay nakadroga nang mangyari ang krimen.
Natagpuang patay noong Martes ang dalawang biktima sa isang masukal na bahagi ng Barangay Graceville, SJDM City.
Ayon sa ulat, may mga sugat sa ulo at iba't ibang bahagi ng katawan ang mga biktima. Pinaniniwalaan ding ginahasa si Jenny dahil wala na itong saplot pang-ibaba at pang-itaas at iniwang nakatihaya.
Natagpuan hindi kalayuan sa katawan ni Jenny ang bangkay ni Lou Anderson na nakadapa sa damuhan.
Kwento ng mga kaanak ng mga biktima, nagpunta sa lugar noong Martes ang magkakaibigan upang maglaro. Hindi umano ito ang unang beses na ginawa ng dalawa ang paglalaro doon.
Ngunit, sa araw na iyon, hindi na nakauwi ang dalawa hanggang sa pagsapit ng gabi.
Nagtulong-tulong ang mga kaanak na hanpin ang mga bata hanggang sa matagpuan nila ang bangkay ng dalawa. —LBG, GMA News