Dumating na ang 990 na doses ng Sinovac vaccine sa Iligan City sa Lanao del Norte nitong Sabado ng umaga.

Hinatid ito ng taga-Department of Health Region 10 bandang 11:30 ng umaga.

Ito ang gagamitin nilang pangbakuna sa 499 na frontliners kabilang na ang mga health workers, mula lahat sa Gregorio Lluch Memorial Hospital.

Ang sosobra ay gagamitin sa Adventist Medical Center isang pambribadong ospital dito sa Iligan City na siyang katulong ng pampublikong ospital sa pagtanggap ng mga COVID-19 patients.

Sa press conference nitong Biyernes, sinabi ni Dr. Belinda Lim na pag-uusapan pa nila kung papano nila maipapamahagi rin para sa Iligan Medical Society ang iba pang sosobrang doses na ibinigay sa kanila ng national government.

Sa Lunes na mag-uumpisa ang vaccination dito at umaasa silang madagdagan pa ang mga ito para sa iba pang mga medical frontliner ng buong lungsod. -MDM, GMA News