Dalawang batang magkapatid ang nasawi matapos malason ang kanilang pamilya dahil sa alimango na kanilang kinain sa Sta. Ana, Cagayan. Ang kanilang padre de pamilya, nasa ospital pa ang hindi pa alam na wala na ang dalawa niyang anak.
Sa ulat ni Trace De Leon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang mga nasawi na si Reign Clark Cuaba, 5-anyos, at kapatid na si Mac Neil, 2, ng Barangay Tangatan.
Bukod sa magkapatid, iniulat ng rural health unit ng Sta. Ana na nabiktima rin ng food poisoning ang mga magulang ng magkapatid na sina Eugenio Sr. 44, ina nilang si Maylyn, 36, at kapatid na si Eugenio Jr., 22.
Kasama rin sina Joan Jimenez, 26, Juvencio Esperitu, 43, Jaica Esperitu, 3, at Walden Calibuso, 30.
Napag-alaman na pangingisda ang ikinabubuhay ni Eugenio Jr. at iniuwi nito sa bahay nitong Martes ang mga huling isda at alimango na ipinaluto kay Maylyn at kinain ng pamilya.
Ayon kay Maylyn, tapos na silang kumain nang malasahan niya ang kakaibang asim ng alimango.
Nakaramdam umano ng pagkahilo, panghihina at sumakit ang tiyan ng mga biktima.
Nitong Miyerkules, binawian ng buhay ang magkapatid na sina Reign Clark at Mac Neil.
Sa death certificate ng magkapatid, possible food poisoning ang nakalagay na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Nakaratay pa rin sa ospital si Eugenio Sr. at hindi pa batid na namatay na ang dalawa nilang anak, ayon kay Maylyn.
Sa nakuhang sample ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Region 2, isang Zozymus Aeneus na uri ng alimango ang nakain ng pamilya.
Hindi raw talaga kinakain ang naturang uri ng alimango dahil may taglay itong toxin o lason.
Nanawagan naman ng tulong si Maylyn sa gastusin lalo pa't lumalaki ang bayarin nila sa ospital.--FRJ, GMA News