Hindi na muling masisilayan ng mga kaanak ang matamis na ngiti ng isang 19-anyos na babae sa Pangasinan matapos na masawi nang salpukin ng isang humaharurot na rider ang sinasakyan motorsiklo ng biktima.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Justine May Aquino, residente ng Barangay Pagal sa San Carlos City, Pangasinan.
Nahuli sa CCTV camera ang nangyaring trahediya sa intersection ng Barangay Bayaoas sa bayan ng Aguilar.
Sa video, makikita ang motorsiklo na may tatlong sakay, kasama ang nakaangkas na biktima habang papaliko sa intersection.
Mayroon nang naunang isang SUV at dalawang motorsiklo na nakatawid sa intersection. Nasa kalagitnaan na ng kalye ang motorsiklo na sinasakyan ng biktima nang biglang sumulpot ang humaharurot na motorsiklo mula sa highway at sinalpok ang mga biktima.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga sakay ng nagbanggaang motorsiklo.
Nasawi si Aquino habang sugatan ang dalawa niyang kasama at ang rider na nakabangga sa kanila.
Ayon sa kapatid ng biktima, nagtamo ng matinding pinsala sa dibdib at ulo si Aquino.
Napag-alaman na galing sa bayan ng Mangataren si Aquino kasama ang mga kaibigan at pauwi na nang mangyari ang trahediya.
Ayon kay Police Major Gilbert Ferrer, hepe ng Aguilar Police station, dapat nagmenor o nagbagal sa takbo ang nakabanggang rider.
"Dapat sana magme-manor na siya. Nabangga niya hindi bale sana kung unang [motor] na lalabas, pangatlo na eh," anang opisyal. "Iwasan natin na magmotor na nakainom at palagi tayong alerto lalo na sa mga intersection."
Kapansin-pansin din na nangyari ang sakuna sa lugar na mayroon pedestrial lane na dapat nagbabagal sa takbo ang mga sasakyan para pagbigyan ang mga tumatawid.--FRJ, GMA News