Magkatabing ibinurol ang isang magtiyuhin sa Tarlac na nasawi matapos na salpukin ng nag-overtake na ambulansiya ang tricycle na kanilang sinasakyan. Ang ambulansiya, napag-alaman na walang sakay na pasyente nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Randy Halili, 32-anyos at Noel Halili, 24, ng Barangay Cut-cut II , Tarlac City.
Kuwento ng asawa ni Noel, pauwi na mula sa Nueva Ecija ang mga biktima matapos maghatid nang paninda nang mangyari ang trahediya sa National Highway sa Barangay Laungcupang sa La Paz.
Sa dashcam na nakuha ng pulisya, lumitaw na nag-overtake ang ambulansiya at kinain ang linya ng paparating na tricycle na sinasakyan ng mga biktima at nasalpok.
Mabilis umano ang takbo ng ambulasiya at sinasabing hindi nakita ng driver ang tricycle ng mga biktima.
Sugatan din ang driver ng ambulansiya at nagpapagaling pa sa ospital.
Nananawagan ng hustiya ang misis ni Noel sa sinapit ng mga biktima.
Sinusubukan pang kunin ang panig ng driver ng ambulasiya na sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News