Isinilang na may kondisyong craniopagus o magkadikit ang ulo, nagpahirap pa sa isang magkambal na magkahati sila sa iisang pares lamang ng kidney. Paano nga ba sila nananatiling matatag sa kabila ng kanilang kalagayan, at paano rin ito kinakaya ng kanilang ina?

Sa "Tunay Na Buhay," sinabing napag-alaman ni Maricel Villaluz ng Bulacan noong isang taon na iisang pares ng kidney lamang ang gumagana para sa kambal niyang sina Maurice Ann at Klea Ann Misa.

Hindi raw gumagana ang kidney ni Klea, kaya ang kidney ni Maurice Ann ang nagtatrabaho para sa kanilang dalawa.

"Si Maurice Ann siya 'yung talagang nahihirapan. Mahirap 'yung sitwasyon niya kasi hindi po halos nagagalaw 'yung leeg niya. Madalas po kasi nasasaktan siya lalo pagka malikot 'yung kakambal niya," kuwento ni Maricel.

Dalawang buwan nang buntis si Maricel nang malaman niya ang kalagayan ng kaniyang kambal.

"Sinasabi ko na lang sa sarili ko na kakayanin ko na ganu'n 'yung sitwasyon ng magiging anak ko, kahit mahirap," anang ina, na isinilang ang kambal noong Mayo 24, 2018.

"Noong nakita ko sila, hindi ko alam kung paano ko sila hahawakan, kung paano sila kakargahin, hindi ko alam kung paano ko padededehin."

Gayunman, may pakiramdam si Maricel na tanggap na rin ng kaniyang mga anak ang kanilang kalagayan.

"Kapag nakikita mo naman silang masaya, parang iniisip ko, siguro tanggap nila na ganito kalagayan nila," sabi niya.

Ayon kay Jose Salazar MD, Professor in Pediatrics ng UERMMCI College of Medicine, ang insidente ng Craniopagus twins ay anim na porsyento lamang o isa sa 2.5 milyon na ipinapanganak.

Ang Craniopagus ay isang malformation kung saan may depekto sa pagkakabuo ng embryo, dagdag ni Salazar.

Factory worker ang asawa ni Maricel na si Leo Misa, habang online food seller naman siya para matustusan nila ang pangangailangan ng kanilang pamilya, at makapag-ipon na rin sa operasyon ng kanilang anak.

Panoorin ang kuwento ng magkambal na sina Maurice Ann at Klea Ann.

—LBG, GMA News