Binaha ang ilang lugar sa Cotabato at Ilocos Norte matapos umulan nang malakas ng ilang araw, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Sa Surallah, South Cotabato, nasira ang ekta-ektaryang mga palayan dahil sa baha.
Aanihin na lang daw ng mga magsasaka nang maaga ang mga palay na puwede pang pakinabangan.
Samantala, sa Kidapawan, Cotabato, halos wala nang makita sa national highway nang umulan nang malakas nitong isang gabi.
Nagbagsakan din ang ilang mga puno dahil sa ulan dulot ng localized thunderstorms.
Napilitan ang mga motorista na maghanap ng ibang madadaanan.
Sa Pagudpud, Ilocos Norte naman, umabot hanggang tuhod ang baha na pumasok sa ilang mga bahay.
Umapaw daw ang ilog.
Galing daw sa bundok ang tubig baha, at dahil sa drainage, binaha na rin ang mga kalye.
Ayon sa PAGASA, nitong Lunes ay uulan din sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Aurora at Quezon dahil sa isang low pressure area.
Ang Habagat naman ang magdudulot ng pag-ulan sa Metro Manila, Central Luzon, MIMAROPA, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Caraga Region. —KG, GMA News