Ipinagtataka ng mga opisyales ng Commission on Population ang biglang paglobo ng bilang ng teenage pregnancy sa Zamboanga City mula Abril hanggang Hunyo nitong taon.
Sa ulat ng "Unang Balita," sinabing umabot sa 628 ang naitalang bilang, masyado umanong mataas ito kumpara sa 493 mula Enero hanggang Marso.
Pahayag ng mga taga-PopCom, inaasahan nilang bababa mga kaso ng teenage pregnancy kasi bawal lumabas ang mga menor de edad dahil sa health measures sanhi ng COVID-19.
Bukod dito, marami ang natigil sa trabaho kaya dapat umanong maraming mga magulang ang inaasahang magbabantay ng kanilang mga anak.
"It is alarming kasi sa Zamboanga City pa lamang ang datos na ito. Sa ngayon, kinukuha pa lamang natin ang mga report mula sa ibang mga lalawigan at nga siyudad," ayon kay Reynaldo Wong Regional Director ng PopCom.
Binabalak naman ng PopCom na magbahay-bahay sila upang magabayan ang mga pregnant teen sa magiging pagbabago sa kanilang buhay. —LBG, GMA News