Sa kabila ng kapansanan, patuloy sa pagtatrabaho bilang isang musikero at magbubukid ang isang 57-anyos na bulag sa Aglipay, Quirino, para sa kaniyang pamilya. Ang lalaki, nabigyan ng pabahay ng lokal na pamahalaan.
Hindi lang singer kundi songwriter din si Tatay Angelo Sotto, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes.
Kumakayod si Tatay Angelo bilang extra sa pagiging gitarista, at tumutulong din sa mga gawaing bukid, para sa asawa at mga anak.
Nakatira lang ang pamilya Sotto sa isang kubo na gawa sa talahib.
"Nagbubuhat ako ng kahoy ginagawa kong uling para may pangbenta kami," sabi ni Sotto.
Naantig naman ang Quirino Provincial Mobile Force Company sa kuwento ni Tatay Angelo kaya sa pamamagitan ng kanilang project "SOUL" o Shelter of Unity and Love, nabigyan ito at ang kaniyang pamilya ng bagong bahay. – Jamil Santos/RC, GMA News