Isang siyam na buwang gulang na sanggol ang isa sa walong bagong kaso ng COVID-19 sa Misamis Occidental.
Ayon kay Misamis Occidental Governor Philip Tan, galing ang sanggol sa Cebu.
Stable na rin daw ang kalagayan ng sanggol, aniya, ayon sa ulat ng GMA News' Unang Balita nitong Martes.
Ayon pa kay Tan, pito sa bagong kaso ng COVID-19 sa probinsiya ay galing sa Cebu.
Ang isa naman ay residente na walang travel history.
Naka-quarantine na ang residente at ang iba pang mga nag-positibo sa COVID-19.
Sa ngayon, umabot na sa 15 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa probinsiya.
Nagpaalala naman si Tan sa publiko na laging magsuot ng face mask, maghugas ng kamay at sundin ang social distancing para maiwasang mahawa sa COVID-19.
—KG, GMA News