Nagbabahay-bahay ang isang guro sa Eastern Samar at tinatawid ang maputik at madulas na daan upang i-enroll ang mga estudyante sa kanilang lugar.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing inaabot si Teacher Christine Ero ng dalawang oras sa paglalakad mapuntahan lamang at ma-enroll ang mga bata sa kanayunan.

Dagdag pa ng ulat, walang internet at pahirapan ang signal ng cellular phone sa kanilang lugar, kaya imposible, aniya, ang online enrollment.

Nanawagan si Teacher Christine sa Department of Education na sana payagan ang face-to-face classes sa kanilang lugar dahil malayo naman daw ito sa sentro ng COVID-19 pandemic.

Dagdag niya, susunod sila sa mga health protocol upang maiwasan ang pagkahawa sa sakit ng mga bata.

Mariing sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na hindi pinapayagan ang face-to-face classes.

Samantala, nauna nang sinabi ng isang grupo ng mga guro --ang  Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines --na mababa ang enrollment rate sa 14 rehiyon sa bansa, lalo sa sa mga liblib na lugar dahil sa kahirapan at kawalan ng access sa makabagong komunikasyon.

Nangangamba ang ACT Philippines na miliyun-milyong mga estudyante sa kanayunan ang nanganganib na magpag-iwanan sa kasalukuyang school year.   —LBG, GMA News