Nahuli sa CCTV ang pananambang sa alkalde ng Teresa, Rizal habang sakay ng isang puting van nitong Lunes. Nakaligtas ang alkalde pero nasugatan ang dalawa niyang kasama sa sasakyan.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV ang pagdating ng van na sinasakyan ng Teresa Mayor Raul Paulino, sa palikong bahagi ng E. Rodriguez Avenue sa Barangay Poblacion.
Kasunod nito ang pagsulpot ng isang salarin na armado ng baril at pinaputukan na ang sasakyan ng alkalde.
Nagawa naman ng mga biktima na patuloy na makaarangkada pero may patakbo pang dalawang salarin na humabol sa kanila at nagpapaputok din ng baril.
Pero nang hindi tumigil ang van, napilitan na ang mga salarin na tumakas.
Nakaligtas at hindi tinamaan ng bala ang alkalde pero nasugatan ang kaniyang driver at isang body guard na nagpapagaling na sa ospital.
Ayon sa saksi na si Kagawad Rodrigo Halili, tumakas ang mga salarin gamit ang isang sasakyan na hindi nakuha ang plaka.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na pauwi na ang alkalde nang mangyari ang pananambang.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen at bumuo na ng grupong tutugis sa mga salarin.--FRJ, GMA News