Nabisto ng mga awtoridad na magmamando sa isang checkpoint sa Badoc, Ilocos Norte ang tangkang pagpupuslit ng isang contractor sa 24 na construction worker na galing sa Bulacan.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing isinakay ang mga construction worker sa isang wing van na may markang food delivery.
Papunta raw sana ang mga construction worker sa San Nicolas para sa isang housing project pero wala silang naipakitang travel document na kailangan ngayon dahil sa ipinatutupad na quarantine protocols upang pigilin ang pagkalat ng COVID-19.
Dinala ang mga construction worker sa rural health center at isinailalim sa COVID-19 rapid test.
Nagnegatibo naman ang resulta ng pagsusuri kaya pinabalik na sila sa Bulacan. Pero kakasuhan pa rin sila at ang kontratistang nagbiyahe sa kanila dahil sa paglabag sa quarantine protocols.--FRJ, GMA News