Patay ang dalawa umanong miyembro ng kidnap-for-ransom group matapos makipagbarilan daw sa otoridad sa San Mateo, Rizal, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Kinakailangan pang tumawid ng ilog sa boundary ng San Mateo at Marikina ang mga pulis para matunton ang bahay ng target ng operasyon.
Pero paglapit ng mga pulis sa bahay ng suspek ay agad silang pinaputukan, ayon kay Police Major Ronaldo Lumactod, hepe ng Public Information Office ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).
"So in return yung mga operatiba natin nag-maneuver in one direction and yun ang naging result, ang agarang kamatayan [ng mga suspek] nung magpalitan na ng putukan," ani Lumactod.
Kinilala ang mga suspek na sina Rey Rala at isang alyas Melvin.
Dead on the spot si Rala, na may warrant of arrest sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa PNP-AKG, miyembro ang dalawa ng kidnap-for-ransom group na dumukot sa isang babae sa Laguna noong March 2003. Pinakawalan daw ang biktima matapos magbayad ang pamilya niya ng P15 million na ransom.
Nitong Pebrero, isang kasamahan ng grupo ang naaresto.
Sangkot din umano ang grupo sa gun-running at pagbebenta ng iligal na droga. --KBK, GMA News