Kalaboso sa mismong bahay ang isang babae matapos mahuling nilalako ang kaniyang mga anak na nasa edad na 14 at 5 anyos online.
Ayon sa isang ulat sa “Stand for Truth” nitong Lunes, nahaharap ang suspek sa kasong online sexual exploitation of children.
Sabi ni Minda, hindi niya totoong pangalan, kulang daw ang kinikita niya bilang manikurista at desperado na raw siya kaya nagawa niyang ibenta ang kaniyang mga anak sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga hubad na litrato ng mga bata sa internet.
“Sobra akong nalulungkot ngayon sa totoo lang pinagsisihan ko po ang mga pagsisinungaling ko, ‘yong pagpapakita ng picture, pinagsisihan ko po ‘yon, napakasakit po sa akin bilang nanay na mawala sila, ito po ang kahihitnatnan ng lahat ng aking pagsisinungaling,” ani Minda.
“Ang sabi ko po sa kanila, magpi-play po sila, show naked, mag-show ng naghuhubad pero ang totoo talaga hindi ko kayang ipagawa sa anak ko ‘yon. Wala silang alam sa ginagawa ko,” litanya niya.
Ayon sa ulat, pino-post ni Minda ang mga hubad na larawan ng mga anak sa mga child pornography websites at inaalok sa mga kliyenteng dayuhan.
Bawat transaksyon, kumikita raw siya ng P400 hanggang P700.
“Hindi ko naman po alam na puwede akong makulong sa ganoon, sa mga panlolokong ginagawa ko,” ani Minda. “Bilang nanay, lahat ginawa ko para mabuhay sila tapos ngayon malayo na sila sa akin. Nadudurog ang puso ko na matagal kaming hindi magkikita dahil sa mga ginawa kong pagsisinungaling.”
Base sa datos ng International Justice Mission (IJM), mayroong 182 rescue operations na ang naisagawa sa bansa at 613 na biktima ng online sexual exploitation na ang nailigtas. Sa naturang bilang, 78% dito ay mga menor de edad at 45% ay mga batang may edad 12 anyos pababa.
Ang 62% sa mga nahuhuli ay ang mga magulang mismo ng mga bata, malalapit na kamag-anak at kapitbahay ng biktima.
Sa gitna ng enhanced community quarantine, tatlong online sexual exploitation of children rescue operation na ang naisagawa ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation sa Metro Manila.
Ayon naman sa PNP Women and Children Protection Center, maituturing na hidden crime ang online sexual exploitation of children dahil nangyayari ito sa loob ng bahay.
Batay sa isinagawang pag-aaral ng mga social worker, marami sa mga nailigtas na biktima ang tila nagkaroon ng trauma. Karamihan, umaabot sa tatlo hanggang dalawang buwan bago lumabas ang post-traumatic stress symptoms.
Para makaiwas mga bata sa ganitong krimen, sabi ni Police Golonel Maria Sheila Portento, chief ng Anti-Trafficking in Persons Division ng PNP-WCPC, dapat daw turuan silang tumanggi.
“If somebody from the internet nagsabi sa kaniya na ipakita ang parte ng katawan niya, turuan ang bata na magsumbong at magasabi ng ‘huwag’,” ani Portento. “Ang mga bata naman na binubuyo ng kaniyang kamag-anak at kakilala at turuan din magsabi ng ‘huwag’ at magsumbong.”
Kasalukuyan, mayroon ng 124 "restored" na biktima ng online sexual exploitation of children mula sa mga shelters. Ngunit marami pa rin daw ang nasa mga rehabilitation stage, ayon kay Mellani Olano, senior social worker sa aftercare department ng IJM.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News