Isang bangkay ng lalaki ang iniwang nakatali sa poste ng kuryente sa Barangay Campo IV sa Talisay City, Cebu nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ni Super Radyo Cebu Gabriel Bonjoc sa Dobol B sa News TV, sinabing tadtad ng bala ng baril ang katawan ng biktima na nakatali sa poste, at nakatali rin ang mga kamay nito ang nakapiring.

May nakasabit na karton sa kanyang katawan at may nakasulat sa salitang Cebuano na ang ibig sabihin, "Tumigil na kayo tulisan, pusher, drug lord.... Kung hindi, kayo na ang isusunod."

Ayon sa kapatid ng biktima, hindi tulisan o magnanakaw ang kaniyang kapatid, ngunit inamin niyang gumagamit ito ng droga.

Noong nakaraan Lunes, ayon kay Bonjoc, may natagpuan ding bangkay na lalaki na nakabitin sa isang tulay sa sa Barangay San Isidro, sa lungsod pa rin ng Talisay. —LBG, GMA News