Patay ang isang lalaki habang nakasabit pa sa puno ng niyog sa Dilasag, Aurora matapos siyang makoryente.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing inabot ng dalawang oras bago maibaba ang katawan ng biktima na si Joel Subang.

Mangunguha sana ng buko ang biktima nang bigla siyang makoryente sa katabing high-tension wire.

Agad na nakaresponde ang mga awtoridad ngunit tumagal pa ring ng dalawang oras bago naibaba ang biktima na nagtamo ng matinding sunog sa katawan.

Samantaka, nasawi naman si Suterio Villa Jr., 34-anyos, matapos na matuklaw ng ahas sa kasagsagan ng pagbaha sa Licab, Nueva Ecija.

Nagawa pang isugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa kamandag mula sa pinaniniwalaang kobra.

Nagbabala ang mga awtoridad na mag-ingat, at umiwas na lumabas sa bahay at lumusong sa baha.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News