May tali ang mga kamay at tadtad ng tama ng bala ang mga katawan nang matagpuan ang mga bangkay ng siyam na sibilyan na umano'y pawang mga Kristiyano. Ang mga biktima, pinatay umano ng Maute group nang mapadaan sila sa inilagay na checkpoint ng mga terorista sa Marawi City nitong Martes.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakita ng mga residente ang siyam na biktima sa madamong bahagi ng Sitio Moncado sa barangay Kadilingan.
Sakay umano ng trak ang mga biktima nang mapadaan sila sa checkpoint na inilagay ng Maute sa nabanggit na lugar.
Batay sa nakalap na impormasyon ng mga sundalo, pinababa ng mga terorista ang mga biktima, itinali ang mga kamay, dinala sa madamong bahagi at saka pinagbabaril.
Halos hindi na raw makilala ang ilan sa mga biktima dahil sa dami ng tinamong tama ng bala.
Ang mga residente rin umano ang nagsabi na mga Kristiyano ang mga biktima.
Samantala, patuloy naman ang pagdating ng karagdagang tropa ng sundalo sa Marawi City para tugisin ang mga miyembro ng Maute.
Kabilang sa dagdag na reinforcement ang mga elite fighter ng militar.
Mahigpit ang pagbabantay sa checkpoint sa mga papasok at palabas ng lungsod para matiyak na walang makalalabas at wala nang makapapasok na mga terorista.
Bukod sa mga sibilyan, limang sundalo at pulis na ang nasawi mula nang mag-umpisa ang bakbakan sa Marawi nitong Martes ng hapon.
Kabilang sa mga pinaslang ang isang batang opisyal ng militar at dalawang drayber ng ambulansiya.
May ilang sibilyan din umano ang tinangay ng Maute group kabilang ang isang pari na si Fr. Chito Suganob, at 15 parishioner na nagno-novena nitong Martes ng gabi.
Ayon naman umano kay ARMM regional governor Mujiv Hataman, batay sa nakalap niyang impormasyon ay magkasanib na puwersa ng Abu Sayyaf, Maute, Bangsamoro Islamic Freedom Fighter at ibang terrorist groups sa Mindanao ang nasa Marawi City.-- FRJ, GMA News