Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na makikipag-ugnayan sila sa kinauukulang ahensiya sa New Zealand para payagan na makapagtrabaho pa rin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) doon na biglang nawalan ng trabaho nang magsara ang pinapasukan nilang kompanya.
Sa Zoom briefing nitong Biyernes, sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, na 452 sa 700 apektadong OFWs ang humingi ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas.
"And so we have come to the aid of the 452. In process ang kanilang pagbibigay ng financial assistance," ayon sa opisyal.
"In addition to this, there are around 50 recipients who are New Zealand residents or dual citizens at sila naman ay tinutulungan ng embahada," dagdag niya.
Sinabi ni Cacdac na karamihan sa mga apektadong OFWs ay nasa Auckland at Christchurch, kung nasaan ang dating malalaking proyekto ng pinapasukan nilang dating kompanya.
"Ang next way forward natin sa kanila is to make representations with the New Zealand Ministry of Affairs and request them to possibly uphold the workplace of the workers to enable them to return to New Zealand and settle their obligations and/or transfer employers," pahayag ni Cacdac.
Sinabi pa ni Cacdac na mayroong mga employer ang nakipag-ugnayan sa kanilang labor attachés sa Wellington at nagpahayag ng interes na kunin ang serbisyo ng mga OFW na nawalan ng trabaho.
Ayon pa sa kaniya, kinukumpirma rin nila ang impormasyon na may nahanap nang bagong trabaho ang ilan sa naapektuhang OFWs.
"Rest assured we will continue to help the OFWs affected by the ELE closure, including the 14 who are here on vacation," sabi ni Cacdac.
Inilarawan ng pamahalaan ng New Zealand na "skilled labor hire agency in the construction and manufacturing sector" ang nagsarang kompanya na ELE.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nagsara ang kompanya apat na araw bago magpasko, at isang araw bago ang sahod ng mga manggagawa.
Dahil hindi pa nababayaran sa dapat nilang sahurin, ilan sa mga OFW ang kinakapos na umano sa panggatos.
Marami umano sa OFW ay wala pang isang taon nang dumating sa New Zealand. Bagamant tatlong taon ang kanilang working visa, hindi naman sila puwedeng lumipat kaagad ng trabaho dahil kailangan pa munang ayusin ang naturang dokumento.
“Naghihintay kami ng variation ng visa namin kung kelan lalabas yung bagong visa namin. Kaya lang habang naghihintay, ito ganito, tambay,” sabi ng isang OFW na si Felix Castro. --FRJ, GMA Integrated News