Posibleng maharap sa reklamong animal cruelty ang tao na nahuli-cam na nagsaboy ng mainit na tubig sa mga nakakulong na aso ng kaniyang kapitbahay sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nagtamo ng mga paso ang mga aso na dinala ng may-ari sa veterinarian para magamot.

Nasa maayos na kalagayan na ang mga aso.

Makikita sa nag-viral na video ang suspek na may bitbit na lalagyan na may tubig at isinaboy sa mga aso na nasa kulungan.

Madidinig ang paghiyaw ng mga aso at may makikitang usok.

Ipinatawag na ng barangay ang suspek para pagpaliwanagin. Lumalabas na naiingayan umano ang suspek sa mga aso ng kaniyang kapitbahay kaya niya binuhusan ng mainit na tubig.

Desidido naman ang may-ari ng mga aso na magsampa ng reklamo laban sa kanilang kapitbahay.

Ayon kay Ariben Nanong, officer ng Animal Health and Welfare Division ng Department of Agriculture-Zamboanga (DA-9), paglabag sa Animal Welfare Act (RA 8485), ang pagbubuhos ng mainit na tubig sa mga hayop.-- FRJ, GMA Integrated News