Nasawi ang isang lalaki na anim na taong gulang matapos siyang mabagsakan ng puno ng "buli" sa Mandaue City. Hinanakit ng pamilya ng biktima, noong isang taon pa hiniling umano sa city hall na putulin ang naturang puno.
Sa ulat GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing naglalaro ang bata sa labas ng bahay sa Barangay Ibabao Estancia nang bumagsak ang puno at tinamaan sa ulo ang biktima nitong April 1.
Magtatapos na sana ang biktima sa Kindergarten ngayong buwan ng Abril.
Nais ng pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng bata dahil 2024 pa nang hilingin sa city hall na putulin na ang puno dahil nabubulok na ito.
Sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng lungsod na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Nangako rin sila na magbibigay ng tulong pinansiyal sa pamilya ng bata, at may mananagot sa nangyari. -- FRJ, GMA Integrated News
