Hinang-hina at tila lupaypay ang isang lalaki na nakuhanan ng video habang nakadapa mula sa bubong ng isang bahay sa Barangay 36 sa Caloocan City.

Ang lalaki, nakuryente pala!

Sa kuwento ng admin ng barangay na nagsilbu ring first responder, nakarinig sila ng pagsabog mula sa isang transformer kahapon ng umaga.

Maya-maya, nagsigawan na ang ilang residente na mayroong construction worker na nahulog sa bubong.

Posibleng dumikit umano ang 23 anyos na biktima mula sa high tension wire na halos katabi na ng kanilang itinatayong bahay.

Nagsusukat daw noon ang biktima sa fourth floor ng itinatayong bahay nang bigla siyang tumalsik at mahulog sa second floor ng katabing bahay.

Kaugnay nito, natulong-tulong na ang mga tao sa lugar para makuha mula sa bubong ang biktima.

Tumagal ng mahigit 20 minuto bago dumating ang Caloocan DRRMD kung saan ginamitan pa siya ng spine board para maibaba at maisakay sa ambulansiya.

Naging kritikal ang biktima pero ngayon ay nasa maayos nang kondisyon sabi ng barangay.

Nakahanda naman sagutin ng may ari ng itinatayong bahay ang gastos niya sa ospital.

Pero, napag-alaman na wala palang building permit ang pinagagawang bahay.

Inireklamo na rin daw ito noon ng ilang residente dahil mayroong mga naglalaglagan na debris.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa may ari ng itinatayong bahay pero walang sumasagot sa kanila.

Una namang nagpaalala ang Meralco sa mga construction worker na dapat may mga nakakabit na conductor cover sa mga linya ng kuryente na malapit sa mga ginagawang bahay o gusali.

Dapat ay mayroon din distansya na 10 talampakan ang gagawa mula sa linya ng kuryente. — BAP, GMA Integrated News