Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na kailangan ng Canada at Japan ang mga skilled worker at mga nurse.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kabilang ang mga welder sa mga skilled worker na kailangan sa nasabing mga bansa.
Umaasa umano ang gobyerno ng Saskatchewan, Canada na mapipirmahan ng Pilipinas sa susunod na taon ang kasunduan para sa recruitment ng Pinoy workers.
Ang lalawigan ng Nova Scotia sa Canada, kailangan ng 300 nurse kada taon.
Sinabi rin ng DMW na target nila na maging numero unong bansa ang Pilipinas sa pagpapadala ng manggagawa sa Japan kaya inilunsad nila ang Japan Desk na tututok sa pagkuha ng mga Pinoy worker na ipadadala roon.
Ayon sa DMW, kabilang sa mga manggagawa na kailangan ay para sa sektor ng agrikultura, hospitality, manufacturing, at mga care worker.
Kasama naman sa mga rekisitos o requirement sa mga pagtatrabaho sa Japan ay dapat marunong magsalita ng kanilang wika kaya may iniaalok din na language proficiency training ang TESDA.
Nagbabala naman ang DMW sa publiko na huwag papatulan ang mga trabaho sa abroad na iniaalok sa mga social media post, at mag-ingat laban sa mga illegal recruiter.
Makikita ang listahan ng mga trabahong iniaalok sa iba't ibang bansa sa website ng DMW na approved job orders. -- FRJ, GMA Integrated News