Nakauwi na sa kanilang bayan sa Binmaley, Pangasinan ang OFW sa Israel na si Angenica Aguirre, kapatid ng Pinay nurse na si Angelyn Aguirre na, pinaslang ng grupong Hamas. Hiling niya, maiuwi na rin sana ang mga labi ng kaniyang kapatid.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, ikinuwento ni Angenica, na nagkikita sila ni Angelyn kahit isang beses sa isang buwan dahil magkaiba ang lugar na kanilang pinagtatrabahuhan sa Israel.
BASAHIN: Pinay nurse na nasawi sa Israel, puwedeng tumakas pero piniling 'wag iwan ang pasyente
Huling nagkita at nagkasama ang magkapatid noong September 30 sa Tel Aviv. Isang linggo matapos nito, sinalakay ng Hamas ang Israel at pinatay si Angelyn at ang kaniyang amo sa kanilang bahay.
"October 7, sa kasagsagan ng giyera, 9:30 a.m., magkausap kasi ‘yung amo ng kapatid ko at anak niya sa cellphone. May sinabi ang nanay niya na ‘animeta’ na mamamatay ako… andito na sila… andito na sila…,‘" ayon kay Angelica.
Nang araw na iyon, nagpalitan pa umano sila ng mensahe ng kaniyang kapatid hanggang sa hindi na ito nakasagot sa kaniya.
Bagaman masaya si Angenica na nakauwi na siya noong Oktubre 30, malungkot siya na naiwan pa sa Israel ang mga labi ng kaniyang kapatid at hindi na buo ang kanilang pamilya.
Umaasa siya na maiuuwi na rin sana sa lalong madaling panahon ang mga labi ni Angelyn.
“Ang hiling ko ngayon is ‘yung maipauwi ang katawan ng kapatid ko para makapagluksa na kami nang maayos, makita na rin po namin siya," saad niya.
Pinoproseso na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga pinansiyal na tulong na ibibigay sa pamilya Aguirre.
Inaasahan naman na maiuuwi umano sa kaniyang bayan sa Pangasinan si Angelyn sa November 4. --FRJ, GMA Integrated News.