Bongga ang pakulo ng isang Pinay vlogger sa Mississippi, USA na nagpapa-raffle ang balikbayan boxes na puno ng groceries na nagkakahalaga ng $1,000 o halos P60,000 sa kaniyang followers sa Pilipinas.

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ipinakilala si Janeth Verner na naglalagay din ng mga damit, laruan at iba pa sa ipinapadala niyang balikbayan boxes sa Pilipinas.

“We seek the Lord and we think na ito ‘yung ministry naming mag-asawa. It’s really a joy for us na tumulong sa ibang tao,” sabi ni Verner.

Aktibo sa simbahan si Verner, kaya nagmula sa mga donasyon ang ibang laman sa ipinapadala niya sa kaniyang mga kababayang followers.

Ngunit ang malaking bahagi naman nito ay nanggaling din sa kaniyang suweldo bilang isang accountant sa Amerika.

Galing sa mahirap na buhay sa Pilipinas si Verner, kaya ito ang naaalala niya sa tuwing nag-e-empake siya ang mga item sa balikbayan box.

Kuwento ni Verner, nangungutang pa noon ang kaniyang ina sa kapitbahay.

“Kailangan kong tumawid ng ilog na palaging baha. Dumating sa point na muntik na akong malunod kasi nga nagsagwan ako. Hindi puwedeng hindi ako pumasok kasi nga may pangarap ako,” sabi ni Verner.

“Hindi ko ikakaila na mahirap ang buhay. Ultimo tuyo, ultimo noodles, kailangan naming pagkasyahin sa buong maghapon para ma-survive namin ‘yung the day na kailangan naming kumain,” kuwento niya.

Para patas ang pagpili ng padadalhan niya ng kahon, idinadaan ni Verner sa electronic raffle ang pagpili ng masuwerteng mananalo sa kaniyang mga follower.

Isa si Babylin Ignacio sa mga masuwerteng nakatanggap ng balikbayan box sa Pilipinas.

“Naiyak po ako, actually kahit ngayon naiiyak ako sa saya. Kasi minsan lang pong mangyari sa buhay na makatanggap ka ng balikbayan box na galing pa sa ibang tao. Hindi mo naman kakilala pero willing silang tumulong, nagse-share sila ng blessings nila,” sabi ni Ignacio.

Ang mga ganitong pakiramdam ang nagpapasaya naman kay Verner.
“Nakaka-satisfy sa puso dahil at the end of the day matutulog ka na lang na, kay Lord I’m doing my purpose. Nagkaroon kami ng impact sa ibang tao,” sabi niya. --FRJ, GMA Integrated News