Sa harap ng digmaan ng Israel at militanteng Hamas, sinabi ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na inaalagaan ng kaniyang mga kababayan ang mga Pilipino doon na parang miyembro ng pamilya.
Ayon kay Fluss, halos lahat ng 30,000 Pinoy sa Israel ay ligtas ang pakiramdam at nais manatili doon sa kabila ng kaguluhan, lalo na sa lugar ng Gaza at kalapit na mga lugar.
“The Filipinos in Israel are part of us. They live with our own people… They are part of our families, they are staying in our homes. When we have to go into a sheltered room or into a bomb shelter or safety room, they come with us,” pahayag ng embahador sa panayam ng ANC nitong Lunes.
“You are now joining the Israeli family which is a big family, unfortunately, of the victims of terror. And we are taking care of you as one of our big family in all different kinds of ways,” dagdag pa niya.
Sa isang ulat ni JP Soriano sa GMA News 24 Oras Weekened, nakita niya sa airport ang emosyonal na pagpapaalam ng isang Pinay caregiver at apo ng kaniyang inaalagaan na Israeli.
Pinayagan ang OFW na umuwi na muna sa Pilipinas at umaasa ang kaniyang mga among Israeli na magkakasama silang muli kapag natapos na ang kaguluhan.
Apat na Pilipino na ang kumpirmadong nasawi sa ginawang pagsalakay ng Hamas na nanggaling sa Gaza, at umatake sa mga lugar na kalapit nito sa Israel.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na nakikisimpatiya ang Pilipinas sa Israel kasunod nang ginawang pag-atake ng Hamas. Marami sa kanilang mga biktima ay brutal na pinatay.
Tinatayang 200 katao rin na may iba't ibang nasyunalidad ang kanilang dinukot at pinaniniwalaang itinatago sa Gaza.
Sinabi naman ni Palestine Ambassador to the Philippines Saleh Mohammad na nagbibigay ng "maling mensahe" sa Israel ang ginagawang pagsuporta ng ibang world leaders.
Kasunod ng ginawang pag-atake ng Hamas, walang humpay ang pagbomba ng Israel sa Gaza Strip na nagresulta sa pagkasama ng maraming sibilyan.
Ngunit ayon kay Fluss, ginagawa ng Israel ang pag-atake sa Gaza upang tapusin ang Hamas at hindi na maulit ang ginawa nitong pagsalakay.
Nilinaw din niya na hindi nakikipagdigmaan ang Israeli sa pagkalahatan ng mamamayang Palestino.
“Israel is using its missiles to protect its citizens. The Hamas is using its citizens [Palestino] to protect its missiles. That's the difference between the Israel and the Hamas,” paliwanag ni Fluss.—FRJ, GMA Integrated News