Dumating na sa bansa nitong Sabado ang mga labi ng Pinay caregiver na pinaslang ng anak ng kaniyang katrabaho sa Jordan.
Sinalubong sa airport ng mga nagluluksang kaanak na mula sa Macabebe, Pampanga ang mga labi ni Mary Grace Santos. Nandoon din ang mga opisyal at kinatawan mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Foreign Affairs (DFA).
Mga labi ng OFW na si Mary Grace Santos na nauna nang pinaghahanap ng mga kaanak at natagpuang patay sa Amman, Jordan, naihatid na sa Macabebe, Pampanga ngayong gabi. | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/M43QHxjUEH
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 21, 2023
Mula sa airport, inihatid na ang mga labi Santos sa Pampanga ngayong gabi.
Naunang iniulat na nawawala si Santos noong October 11. Sa sumunod na araw, nakita ang kaniyang bangkay sa basement ng bahay ng kaniyang amo sa Amman, Jordan.
Batay sa awtopsiya, pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ang OFW.
PANOORIN: Mga labi ng OFW na si Mary Grace Santos na nauna ng pinaghahanap ng mga kaanak at natagpuang patay sa Amman, Jordan, iuuwe na sa Macabebe, Pampanga ngayong gabi. https://t.co/9Crv01XMkU
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 21, 2023
Naaresto na at umamin umano sa krimen ang menor de edad na suspek, na anak ng katrabaho ni Santos.
''The case has been documented and elevated for court proceedings,'' ayon sa pahayag ng DMW.
Inihayag din ng DMW at OWWA na pinoproseso nila ang mga pinansyal na tulong na ibibigay sa pamilya ni Santos. —FRJ, GMA Integrated News