Isang panukalang batas ang inihain sa Senado para sa programang pautang sa mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa Overseas Worker and Welfare Administration (OWWA).
Sa Senate Bill No. 2390 o an Act Establishing a Credit Assistance Program for Overseas Filipino Workers, na inihain ng Sen. Lito Lapid, nais niyang payagan ang mga qualified OFW na makautang ng hanggang P50,000 mula sa OWWA.
"It is not enough that we acknowledge [the] contributions of OFWs to the country. Word without corresponding action is nothing. In recognizing their immense role in our economy, we must respond to their needs to repay their sacrifices,” sabi ni Lapid, miyembro ng Senate migrant workers committee, sa inilabas na pahayag.
"It cannot be overly stressed how important the role OFWs play in the shaping of the country's economy,” dagdag niya.
Ayon kay Lapid, makatutulong ang naturang panukala sa mga OFW upang makapag-iwan ito ng panggatos sa pamilya habang nagsisimula itong trabaho.
Magagamit din umano ang perang uutangin ng OFW para sa panggatos sa pag-a-apply sa trabaho.
Sa ilalim ng panukala, puwedeng bayaran ang halagang nautang sa loob ng 12 hanggang 24 na buwan, ay may interest o tubo ng hindi hihigit ng 6% per annum.
Binigyan-diin ni Lapid ang malaking tulong ng mga OFW sa bansa sa pamamagitan ng ipinapadala nilang pera o cash remittance.
Batay umano sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sinabi ni Lapid na mula sa $29,903 bilyon na cash remittances na dumaan sa mga bangko noong 2020, tumaas pa ito sa $31,418 bilyon noong 2021.
“For this reason, the least that we can do to repay them is to craft programs that would allow access to services more easily and without the rigorous processes which are laden with bureaucratic runarounds,” ayon sa senador.—FRJ, GMA Integrated News