Malayo man sa Pilipinas, damang-dama pa rin ng ilang Pinoy sa Faroe Islands ang diwa ng Pasko. Nagliwanag ang ilang lugar doon sa dami ng makukulay na mga ilaw at naggagandahang palamuti.
Sa programang “Unang Hirit”, pinuntahan ni Ellen Johansen ang iba’t ibang atraksyon sa Faroe Islands, na maraming Pinay ang nakapag-asawa ng mga naninirahan sa naturang malamig na bahagi ng mundo.
Unang pinuntahan ni Johansen ang SMS na pinakamalaking shopping center sa Faroe Islands.
Aniya, nagtatayo ng Christmas city sa loob ng mall tuwing Pasko na may makikitang mga Christmas tree at iba pang mga dekorasyon.
Makikita naman sa paligid ng Torshavn City Hall ang iba’t ibang Christmas trees at maliliit na cottages na mayroon ding mga disenyong pampasko.
“Simple lang ang mga dekorasyon dito sa Torshavn pero mapi-feel mo ang spirit of Christmas,” sambit ni Johansen.
Samantala, ang Æðuvík ay isang maliit na village sa southernmost tip ng Eysturoy Island sa Faroe Islands.
Tinatawag daw nilang Christmas village ito dahil tuwing kapaskuhan nilalagyan ng makukulay na Christmas lights ang mga bahay dito.
Pinasyalan din ni Johansen ang bahay ng kaniyang kababayan na si Khirvie Reinert, na may pamilya na sa Faroe Islands.
Ayon kay Khirvie, magsisiyam na taon na siya sa Faroe Islands. Kasama niya sa bahay ang kaniyang mister at dalawa nilang anak.
"Yung paghahanda natin ng Pasko sa Pilipinas walang pagkakaiba sa paghahanda natin dito sa Faroe Islands," saad ni Khirvie na abala sa pag-aayos ng kanilang Christmas tree sa bahay.
Ano pa ba ang ibang pasyalan sa Faroe Islands? Tunghayan ang paglilibot ni Johansen sa video ng Unang Hirit. --Mel Matthew Doctor/FRJ/KG, GMA Integrated News