Isang panukalang batas ang isinusulong sa Kamara de Representantes na naglalayong bigyan ng 50% discount ang mga overseas Filipino Workers (OFW) sa remittance fee sa mga banko at remittance centers.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa “Unang Balita” nitong Lunes, sinabing nakasaad din sa panukala na pagbabawalan din ang mga bangko at remittance centers na magtaas ng remittance fee na walang pahintulot at konsultasyon sa Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at Department of Migrant Workers (DMW).
Para hindi naman malugi ang mga bangko, ang diskwentong ibibigay nila sa mga OFW ay ibabawas sa bubuwisang income. Ipatutupad ito sa kondisyon na pasok sa maximum na P24,000 kada OFW ang halaga nito sa bawat taon.
Hinihingan pa ng pahayag si DOF Secretary Benjamin Diokno habang wala pa ring tugon ang BSP, kung magkakaroon ng epekto ang diskuwento sa remittance sa foreign reserves at banking system ng bansa.
Pag-aaralan naman daw ng DMW ang naturang panukala bago magkomento, ayon pa sa ulat.
Samantala, pabor ang OFW na si Ada Adriano sa panukala. Umaabot umano sa P300 ang katumbas ng halaga ng remittance fee niya sa bawat padala sa Pilipinas mula sa United Arab Emirates.
Paliwanag niya, ang matitipid sa discount sa remittance ay mailalaan ng mga katulad niyang OFW sa ibang bagay.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News