Sinorpresa ng isang Pinoy seaman na nakadestino sa Brazil ang kaniyang pamilya sa Pilipinas sa pag-uwi niya ngayong Pasko. Pero siya man, naging emosyonal nang malaman ang regalong bigay ng vlogger na si Small Laude para sa kaniyang lola.
Sa programang “Pinoy Christmas In Our Hearts,” napag-alaman na pitong taon na sa pagiging marino si Jovane Madera, tubong-Surigao del Sur.
Ayon kay Jovane, hindi biro ang maging seaman dahil sa panganib na maaaring mangyari sa karagatan lalo na kung malaki ang alon.
“May biyahe kaming ang lakas talaga ng alon kasi ang lakas talaga ng panahon. May mga times na makikita mo ‘yung tubig na sumasampa sa barko. Natatakot ako para sa kalagayan ko,” aniya pa.
“’Yung pagbabarko is araw-araw ‘yung paa ko nakalibing sa hukay. Kinakaya ko po lahat kahit gaano kahirap ang trabaho ko sa barko kasi alam ko ginagawa ko ang lahat ng ito para sa pamilya ko, para kay lola ko,” dagdag pa niya.
Nauna nang nasabi ni ni Jovane sa kaniyang pamilya sa Pilipinas na hindi siya makakauwi ngayong Pasko. Kaya naman nalungkot ang kaniyang ina na si Maricel na hindi na naman makakasama ang anak.
“Masakit kasi malapit na ‘yung Pasko hindi pa siya nakauwi,” emosyonal na pahayag ni Maricel.
Pero laking gulat ni Maricel nang biglaang sumulpot si Jovane sa kanilang tahanan sa Surigao del Sur.
Kabilang si Jovane sa mga OFW na natupad ang pangarap na makauwi ngayong Pasko sa Pilipinas sa tulong ng programang “Pinoy Christmas In Our Hearts,” na mapapanood sa Youtube.
“Salamat Jovane ‘yung mga pagkukulang ko noong unang panahon, iyo talagang napunan,” sambit ni Venerando, ama ni Jovane.
Sa kaniyang pag-uwi, sinamahan muna ng vlogger na si Tita Small Laude, na mamili ng mga regalo si Jovane para sa kaniyang pamilya.
Nasa P25,000 ang budget ni Jovane mula sa bonus na kaniyang natanggap. Samantalang nagsilbing shopping challenge kay Tita Small ang P2,500 budget para makabili ng regalo para sa 10 tao.
Nang mabili na, inihatid na ni Jovane sa pamilya ang mga regalo.
Samantala, sinabi ni Jovane na matagal na niyang pinag-iipunan ang hearing aid para sa kaniyang lola na si Hanedina Espinoza, na may problema na sa pandinig dala ng katandaan.
“’Yung lola ko, siya po talaga ang pinaka-number one supporter ko sa mga hilig kong gawin. Kaso sa ngayon po dahil sa katandaan mayroon na po siyang problema sa pandinig kaya minsan kapag umuuwi ako sa amin hindi niya ako mare-recognize kapag nasa malayo ako. Kailangan mo talagang ulit-ulitin ang pagsasalita,” ani Jovane.
Hindi inakala ni Jovane na hearing aid ang regalo ni Tita Small sa kaniyang lola.
“Dati pa po talaga nag-iipon ako para mabilhan ko si Nanay hearing aid niya. Malaking tulong po ito, kay lola po,” maiyak-iyak na sambit ng seaman.
Tunghayan ang masayang reunion ng pamilya sa video.--FRJ, GMA Integrated News