NEW YORK, USA — Hinatulang makulong ng 17 at kalahating taon ang lalaking brutal na umatake sa isang 67-anyos na Pinay sa Yonkers sa New York noong Marso.
Walang bakas ng pagsisi sa mukha ng 42-taon-gulang na si Tammel Esco nang humarap ito sa Westchester County Court nitong Martes (Miyerkoles sa Pilipinas).
Convicted para sa kasong Attempted Murder at one count of Assault Under Hate Crime Law si Esco na tumangi nang magbigay ng pahayag sa korte.
Magugunita na nakunan ng security camera ang pag-atake ni Esco sa Pinay na biktima habang papasok ito sa kanyang apartment building.
Aabot sa 127 na suntok, pitong sipa at dinuraan pa ni Esco ang biktima bago niya ito iniwanang nakahandusay sa sahig.
Bago ibinababa ang hatol kay Esco ay nagbigay na muna ng pahayag sa korte ang 67 talong gulang na biktima.
Ayon sa kanya, dahil sa insidente ay hindi na raw sila makapamuhay ng normal at kinailangan daw nilang lumipat ng tirahan para sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Westchester County Judge Anne Minihan matapos panoorin ang video ng brutal na pag-atake, isang himala na buhay pa ang biktima. —Dave Llavanes Jr/KBK, GMA Integrated News