Nasa 150 Filipino sa Sri Lanka ang humiling ng repatriation sa harap ng kaguluhan doon dahil sa bagsak na ekonomiya, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople.
“We have 700 Filipinos residing or staying in Sri Lanka. Out of this number, around 150 have requested for repatriation,” sabi ni Ople sa news conference.
“So we are relying on the DFA for the assistance to be given to the affected workers and they assured me that repatriation arrangements are underway,” dagdag pa ng kalihim.
Nitong Miyerkules, nagdeklara ang state of emergency sa Sri Lanka habang patuloy ang protesta ng maraming tao at sumugod na sa tanggapan ng prime minister.
Nauna na nilang nilusob ang tirahan ng kanilang pangulo na napilitang tumakas patungong Maldives.
COVID-19 surge sa Macau
Samantala, sinabi ni Ople na nagbibigay ang pamahalaan ng Pilipinas ng food packs at COVID-19 care packages sa mga overseas Filipino worker na apektado ng muling pagdami ng COVID-19 cases sa Macau.
Nitong Lunes, nagpatupad ang Macau ng isang linggong lockdown para mapigilan ang pagdami ng kaso.
“And ‘yung OWWA naman ay tumutulong din sa pamamagitan ng paghandle ng financial assistance sa ating mga nag positive no, na ating OFWs in the amount of $200 per affected OFW,” sabi ni Ople.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administrator Hans Cacdac, sinimulan ang pamamahagi ng food packs nitong Miyerkules ng gabi.
“Otherwise, nakabuo na po tayo ng first batch ng mga na-distribute kagabi. About, a little less than 100 na distribute na food packs at patuloy lang po ito during the day,” anang opisyal.
Command Center
Inihayag din ni Ople, na maglulunsad ang pamahalaan ng One Repatriation Command Center sa susunod na linggo.
“Isa na lang ang dudulugan ng mga pamilya ng OFWs… ‘yung shipment of remains, para sa repatriation of stranded, and/ or exploited OFWs. So lahat ‘yan, ipro-process namin ‘yung mga request, we will provide assistance,” paliwanag niya.
“And kami na mismo ‘yung tatawag sa mga pamilya… kami na ang magbibigay ng updates kung kamusta ang repatriation assistance para sa mga kamaganak nila. ‘Yun ang purpose ng One-Repat command center,” ayon sa kalihim.— FRJ, GMA News