Pito katao--kabilang ang ilang Filipino--ang nasawi sa road accident sa New Zealand noong Linggo ng umaga, ayon sa media report.

Sa ulat ng Stuff, sinabing miyembro ng isang pamilya sa Auckland ang mga biktima. Mayroon pang dalawa katao na malubhang nasugatan.

Sakay ng van ang mga biktima at nakabanggaan ang isang refrigerated goods truck sa State Highway 1 sa pagitan ng Blenheim at Picton.

Hindi binanggit sa ulat kung ilan ang Pinoy na nasawi, pero kabilang umano sa mga biktima ay isang sanggol na wala pang isang-taong-gulang.

Nagtamo naman ng minor injuries ang driver ng truck at nakalabas na ng ospital, ayon pa sa ulat.

"A crash of this scale has a huge impact on both the community where it happens, that of the deceased’s family and community, and on emergency services who attend," saad ng Nelson, Marlborough, West Coast Police sa Facebook post.

“Police’s focus remains on ensuring victims are supported, and that the circumstances of the crash are fully investigated,” dagdag nito.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. Pero sa paunang impormasyon, sinabi ni Tasman District commander Paul Borrell na may indikasyon na tumawid ang van ng mga biktima sa centerline bago bumangga sa truck.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Philippine Ambassador to New Zealand Jesus "Gary" Domingo sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.

"Our condolences and prayers for our Kababayan who perished in Picton," sabi ni Domingo sa Facebook post.

Sinabi niya na nagpapaabot ng tulong sa pamilya ng mga biktima ang Philippine Embassy at Philippine Overseas Labor Office kaugnay sa nangyaring insidente.—FRJ, GMA News