NEW YORK - Dismayado at ikinalungkot ni Jim Kenney, mayor ng lungsod ng Philadelphia sa Pennsylvania, ang trahedyang sinapit ng mag-inang Leah at abogadong si John "Jal" Laylo na naging biktima ng random shooting noong Sabado ng umaga.

Sa isang tweet nitong Martes (PHL time), sinabi ni Kenney na heinous at senseless ang nangyari sa mag-inang Laylo na ikinamatay ng anak nitong si John.

“I’m appalled to learn of this heinous and senseless crime that has completely devastated an entire family. Mr Laylo’s loved ones are in my prayers," aniya.

Hindi raw katanggap-tanggap ang ganitong mga pangyayari at masusi na raw itong iniimbestigahan ng Philadelphia Police para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.

“Every act of gun violence is an unspeakable tragedy. Senseless violence anywhere in Philadelphia will always be unacceptable, and @PhillyPolice
along with @PhillyPCHR is actively investigating this incident," dagdag niya.

 



Nanawagan din si Kenney sa may mga impormasyon kaugnay sa pangyayari na agad ipagbigay-alam ito sa mga imbestigador.

"If anyone has any information about this incident—or any other crime—please call or text @PhillyPolice’s tip line at 215-686-TIPS. Tips can also be made anonymously," aniya.

Vigil

Isang vigil naman ang idinaos ng Filipino community sa harap ng Penn Presbyterian Medical Center sa Philadelphia kung saan dinala si John at ang kanyang inang si Leah. 

Naging brain dead sa nasabing ospital si John matapos tamaan ng bala sa ulo.

Kinalaunan ay binawian na siya ng buhay nitong Lunes ng umaga (PHL time).

Si Leah naman ay nagtamo ng minor injuries.

Road rage o mistaken identity?

Humiling ng meeting si New York Consul General Elmer Cato kay Kenney at Police Commissioner Daniella Outlaw para alamin ang status ng imbestigasyon.

May hawak ng security video ang mga imbestigador at isang kulay itim na Nissan Maxima ang hinahanap nila ngayon na nakitang umalis sa lugar matapos maganap ang pamamaril.

Road rage o random shooting ang tinitignang posibleng motibo sa insidente ng mga pulis.

Pero ayon kay Cato, posible raw na mistaken identity ang naganap na pamamaril.

“The fatal shooting of Filipino lawyer John Albert Laylo could be a case of mistaken identity, according to police source who say gunman appeared to have fired at the wrong vehicle that was similar to what he was chasing,” aniya.

Posibleng iuwi ngayong linggo pabalik ng Pilipinas ang mga labi ni John.

Nagtrabaho si John bilang isa sa mga abogado ni Senador Leila de Lima at dating Interior Secretary Mar Roxas. Isa rin siya sa mga abogadong tumulong kay Vice President Leni Robredo noong Eleksyon 2022 nang tumakbo ang huli para sa pagka-presidente. —KG, GMA News