Pagkaraan ng anim na taon mula nang mawalan ng trabaho sa Saudi Arabia at mapilitang umuwi ng Pilipinas, hindi pa rin alam ng mga OFW kung kailangan nila makukuha ang ipinangako umano kanilang backwages.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing nagtungo muli sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ilang OFW upang alamin kung may makukuha na silang backwages na ipinangako sa kanila ng gobyerno.
Taong 2016 nang magsara ang maraming kompanya sa KSA nang magkaroon doon ng krisis. Maraming OFW ang biglang inalis sa trabaho at hindi nasunod ang kanilang kontrata.
Ayon sa mga OFW, pumayag silang umuwi sa Pilipinas dahil sa kasunduan at pangako na aabonohan umano ng pamahalaan ang kanilang backwages.
"Kasi kung wala hindi [sana] kami uuwi, mag-aantay kami doon," ayon kay Engr. Allan Del Rosario.
Naiyak naman si Benjamin Hipolito, dahil hirap na siyang makahanap ng trabaho at nagigipit na.
Malaking tulong sana sa kaniya kung makukuha na ang pinakahihintay na benepisyong aabot sa P800,000.
"Lalo na po kaming matanda na, wala na pong tumatanggap sa amin na trabaho. Yung bahay na kinuha ko sa bangko, nahatak na rin po dahil sa kawalan ng pera," umiiyak niyang pahayag.
Buwan-buwan umanong nagpa-follow-up sa DOLE ang mga OFW sa paghihintay na makuha ang ipinangako sa kanilang backwages.
Kinausap naman ni Overseas Workers Welfare Admistration (OWWA) chief Hans Cacdac, ang mga OFW at inihayag ang plano ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magtungo sa KSA para alamin ang estado ng naturang usapin sa backwages ng mga OFW.
Ayon kay Cacdac, nais umano ni Bello na magsama sa KSA ng mula sa hanay ng mga OFW upang malaman na rin nila mismo kung ano ang sitwasyon tungkol sa kanilang usapin.--FRJ, GMA News